Friday, June 24, 2016

Robredo, mababa ang boto sa mga nakuwestyong lugar - PPCRV

Robredo, mababa ang boto sa mga nakuwestyong lugar - PPCRV


Inamin ngayon ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na may mga natuklasan sila matapos ang matagumpay na halalan, bilangan at opisyal na anunsyo ng mga nanalo, lalo na sa national positions.
Ayon kay Dr. William Yu, isa sa mga author ng PPCRV report, karamihan sa mga lugar na na-detect nila at inihanay sa kategorya na may posibleng anomalous voting o dayaan, ay mga lalawigan na may malaking bilang ng boto para kay Sen. Bongbong Marcos.

Ginawa umano ang pag-aaral upang mabatid kung may basehan ang naging alegasyon mismo ni Marcos ukol sa dayaan, kung saan napaburan daw si VP elect Leni Robredo.

Kung tutuusin, mababa daw ang bilang ng boto para kay Robredo sa mga kinikwestyong presinto.

Habang ang isyu naman ng manipulasyon ng boto sa Quezon province kung saan may ilang lumabas na whistleblowers at nag-aakusa ng dagdag-bawas sa panig ng Liberal Party (LP) ay hindi umano nagtutugma sa aktwal na bilang ng botante o maging sa mga lumahok sa halalan.


Dahil dito, masasabing malayo umano sa katotohanan ang claim na nagkaroon ng dayaan para ibuhos sa ilang kandidato.


Samantala, sa kanilang programa, pinasalamatan ng PPCRV ang Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP), gayundin ang iba pang government at private agencies na nakatuwang sa kanilang parallel count.